November 18th, 2005
ako...
AT SA HULI, AKO NA! Isa, dalawa, tatlo... ipapakilala ko na kung sino ako. Sino nga ba ako? Hah! Walang maaring hindi makakilala sa akin! Ako ang anak ng isa sa pinakakilalang angkan sa Nueva Ecija, ang mga Lazaro. May malawak kaming lupain sa isang bayan ng lalawigang iyon. Maraming pera ang nakukuha ng daddy ko mula sa mga buwis na nakukuha niya sa mga magsasaka na umuupa sa aming lupain. May tatlo kaming bahay sa Pilipinas: isa sa Manila, at dalawa naman sa Nueva Ecija. May truck line din ang daddy ko. Nagpapaupa rin siya ng maraming kagamitang pambukid, kaya naman malaki ang kinikita niya. May tindahan naman siya sa s'yudad ng mga gamot ng halaman at lason para sa mga insekto dito. Malaki ngang talaga ang kanyang kita! Biruin mo, may tatlumpu't tatlo siyang trabahador sa tindahan niya. De-kotse. Malamansyon ang bahay niya. Malarancho naman ang lupa niya. At saan ka pa? Ang mommy ko naman ay isang 'business woman' dito sa Manila. May bahay din kami dito na may sukat na 120sq m., malaki na rin para sa aming magkakapatid. May tindahan ang mommy ko sa harap ng bahay na kumikita ng 'di bababa sa p2000 kada araw. Marami siyang mga kaibigan dahil sa sobrang galing niyang magtinda at makisama. Ang mga kapatid ko naman ay mga nakapagtapos na ng kanilang pag-aaral. Ang Ate ko ay nagtatrabaho sa isang 'food sphere company' dito sa Valenzuela bilang supervisor ng R&D. Ang Kuya ko ay isang engineer. Ang isa ko pang kapatid ay isang ... wala nga pala siyang natapos dahil sa sakit niya. Pero pihadong matalino siya, dahil kapatid ko! Ang sinundan ko naman ay kasalukuyang nag-aaral ng 'accountancy' sa Nueva Ecija. Magagaling silang lahat sa Math. At parang ako lamang ata ang hindi nila katulad. Pero kahit na ganoon, lahat naman kami ay nakaranas na makaakyat sa 'stage' at makatanggap ng medalya. At kung bibilangin ang lahat ng medalyang natanggap ko, ako ang may pinakamarami. Hindi lamang talaga ako magaling sa Math. At 'yon ang hindi ko gusto. Dahil nagmumuka akong walang k'wenta sa harap nila, lalo na 'pag kasama na namin ang Daddy namin. Ako lang ang mahina. Pero kahit na ganoon ang tingin nila sa akin, ito pa rin ako! Ano naman ngayon kung mahina ako sa Math... marami naman akong nasasabi. Hay... hindi naman ata ang sarili ko ang ipinakilala ko. Bakit lahat ng binaggit ko ay hindi patungkol sa akin? Ganoon nga kaya talaga ako kahina? Hah! Kahit ano pang isipin ng nagbabasa nito, ano naman ngayon sa akin? May sarili akong pagkakakilanlan. At iyon nga ang mga bagay na nasabi ko na: anak ako ng isa sa pinakakilalang angkan sa Nueva Ecija... may mga kapatid na nakapagtapos na ng kanilang pag-aaral at may sari-sarili ng mga trabaho... at... at... at isang mahinang tao? Hindi! Isa, dalawa, tatlo... ipapakilala ko na ang sarili ko. Sino nga ba ako? Maaaring wala pang nakakaalam sa ngalan ko. Nagsisimula pa lamang akong ipakilala ang sarili ko sa inyo. Walang magagawa ang pangalan na nabuo ng mga magulang o kapatid ko. Hindi ako sila. Oo, isa akong mahinang klase ng tao... na habang tumatagal ay nagagawang maging malakas. Napag-aaralan ang lahat. Madaling matuto. May mga pagkakataon mang nawawala ako sa aking totong “ako” at ang mga bagay na matagal ng nasa akin ang siya kong pinagtutuunan ng pansin, at hindi ang mga bagay na wala ako na dapat ko pang hanapin. Minsan nawawalan din ako ng pag-asa para sa sarili ko upang mahanap ang totoong “ako”. Sabihin pa nilang “walang ibang higit na nakakakilala sa sarili mo kundi ikaw minsmo”, ngunit iba nga yata ang sitwasyon ko. Apat na taon ako ng matutunan kong isulat ang pangalan ko, Ann Margarett L. Lazaro. Apat hanggang limang taon naman ako ng matuto akong magbasa at makabisado ang deyt ng 'birthday' ko, May 26, 1988. kumpleto kong nasasabi. Pero ni minsan, hindi ko naramdaman na lumilipas pala ang mga taon at nadaragdagan pa ang mga araw ko. Ilang 'May 26' na rin ang nagdaan, pero parang ordinaryong araw lang. Anim na taon naman ako ng pumasok sa eskwelahan. Hinahatid pa ako ng Mommy ko sa 'day care center' malapit sa bahay namin. Hindi ako papasok kung hindi niya ako ihahatid. At kung sakaling umalis siya sa eskwelahan, siguradong susundan ko rin siya palabas. Napakaduwag ko. Hindi ko magawang mag-isa. Hindi inabot ng isang taon, habang nag-aaral ako ng kinder, nagkaroon ng problema ang pamilya ko. Nag-away ang mommy at daddy. Ang mga kapatid ko naman ay nahinto sa kanilang pag-aaral. Ano ba namang muwang ng isang anim na taong gulang na bata para pagsabihan ng mga ganoong klase ng problema? Pero hindi ko rin alam kung paano ako nabuhay sa ganoong klase ng pamumuhay na minulat nila sa akin. Nasanay na rin ako marahil sa araw araw na pare-parehong sinaryo sa bahay. 'Di nagtagal at dinala kami ng mommy sa Taguig upang doon na mamuhay. Doon na rin ako nagpatuloy ng kinder ko. Doon ko nasubukang maglaba ng sarili kong uniporme. Sa liit kong iyon, nalalabhan ko na ang damit ko! Doon ko rin nasubukang maging tila palaboy, kung saan saan ako nakakarating. Nakikipaglaro sa mga bata sa kalsada, tumatakbo sa mga maliliit na eskenita. At doon din ako natutong pumasok sa eskwela ng mag-isa. Malayo ang eskwelahan kong iyon sa bahay na inuupahan namin. Kung tutuusin, hindi naman ako dapat pa pumasok dahil ang mga kapatid ko ay nag-aaral pa. Pero dahil gusto ng mommy ko ipagpatuloy ko ang 'kinder' ko, kaya kahit na ayaw ko, kailangan. Bumalik kami sa Nueva Ecija ng kunin kami ng Daddy namin, kasama ang Mommy. Sa dyip niya kami isinakay kasama ang mga gamit namin. At dahil sa pag-alis naming iyon, nawala ang isa sa palagi naming nilalaro tuwing wala ako sa labas ng bahay at nakikipaghabulan sa mga bata; ang Snake and Ladder namin na binili pa ng ate ko para sa amin. Naunang nawala ang 'dice' noon. At ng makarating na kami sa Nueva Ecija, ang mismong 'board' na ang nawala. Iniyakan ko. Pero wala na akong magagawa. “Napakasimpleng bagay lang ng iniiyakan mo,” sabi sa 'kin ni Daddy, akala ko papalitan niya ng katulad na laruan. Pero ibinili niya ako ng laruang 'di ko gusto. Parang ang lugar na pinagdalhan niya sa amin. 'di ko gusto, dahil lahat ng mga mata sa paligid ay kami ang tinitignan. Sa Nueva Ecija kami nagpatloy ng pag-aaral. At ilang beses na rin akong nagpalipat-lipat ng eskwelahang papasukan dahil sa mga bagay na ginagawa ng daddy ko. Mahirap siyang pakisamahan. Gayunpaman, nag-aaral pa rin kami ng mabuti upang kahit na papaano'y magkaroon ng pagmamay-ari ang daddy na maipagmamalaki niya sa mga taong iyon. Ilang taon pa ay naulit muli ang mga nangayari noong anim na taon ako. Nalipat ako ng eskwelahan. Nakapagtapos ng elementarya. Hindi niya alam. Para kaming nagtatago sa kanya. Ni hindi man lamang sinabi sa kanya ni mommy na may nakuha akong mga medalya. Sana alam cin niya, siguradong matutuwa siya. Pero hindi nangyari. Hayskul, sa University Science HS ako nagsimula. Sa Central Luzon State University iyon sa Munoz, Nueva Ecija. Isang pampublikong unibersidad. Hindi ko akalain na makakapasa ako doon. Pero masaya na rin kahit na ayaw kong doon ako mag-aral. Pero gusto ng mommy ko, kaya sige, doon na lang ako. 'Di nagtagal, binagsak ko ang Math III: Algebra namin. 'Di ko talaga gusto ang Math kahit na kailan. Kaya napilitan ang mommy na ilipat ako sa Valenzuela tutal nandoon naman ang ate ko na nagtatrabaho sa CDO. Hindi man ako nakakuha ng kahit na anong rekognisyon sa science high school, sinigurado ko namang may makukuha ako sa pagkakataong iyon na ipapakita ko sa mga magulang kong dismayado sa ginawa kong pagbabagsak ng nag-iisang subjek na iyon. At ayon nga't dalawang beses pa akong naging classroom achiever. Magku-kolehiyo na ako. U.P. at P.U.P. ang kinuhanan ko ng entrance exams. At kung saaan man ako pumasa, isang kurso lamang ang gusto nila para sa akin, na ginusto ko na rin. Gusto kong maging Chemical Engineer noong mga panahong iyon dahil na rin sa impluwensya ng ate ko sa akin, at dahil sa iyon ang sabi ng Mommy ko. Marahil, dahil na rin sa nagkaroon ako ng interes sa 'science' noong nasa hayskul pa lamang ako. Ngunit habang bumibilis ang mga araw, nagkaroon pagtatalo sa loob ko. Ano nga bang gusto ko? Hindi puwedeng ang gusto na naman nila ang masunod naisip ko kung ano ang gusto ko, at sinabi ko sa kanila. Hindi man nila iyon gusto, iyon pa rin ang napili ko. At sa desisyong iyon, may mga taong naging parte kung bakit ako nagpatuloy sa pagkuha ng 'Journalism'. Nakapasa ako sa P.U.P., at bumagsak ako sa U.P. Isa na namang pahirap kung sakaling makapasa ako sa unibersisdad na iyon. Ngunit malaki masyado ang ekspektasyon ng magulang ko sa akin, kaya kahit na nandito na ako sa P.U.P. ay tila hindi pa rin ako nakakawala sa mga kamay ng kanilang nakakatakot na ekspektasyon. Pang-gabi ang klase ko, kaya naman sinabi nila sa akin na maghanap ako ng matutuluyan na malapit sa eskwelahan na hindi ako mapapagod. Pero dahil sa takot pa rin akong mag-isa, pero gusto kong ilayo ang sarili ko sa kanila. Nagdaan ang halos limang buwan, wala akong tinuluyan, wala akong inuwian kundi ang bahay namin na dalwang oras mahigit ang biyahe mula sa P.U.P. Unang simester, nakakuha ako ng 2.5 na grade. Ngunit dahil sa nakakatakot nilang ekspektasyon mula sa 'kin, sinabi kong wala akong gradong bababa sa dos. Paano kong mababago ang nasabi ko kung sakaling makita nila ang mga klaskards ko? Wala na 'kong magagawa kundi ang sabihin sa kanila ang totoo. Pero takot akong harapin ang kalokohang ginawa ko. Takot ako sa maaaring sabihin nila sa akin. Ngayong ikalawang simester, kahit na alam kong mas mahirap, sisikapin kong maging isang estudyante. At aabutin ko ang mga espektasyong iyon ng mga magulang ko. Ano pa ba ang p'wede kong gawin, kundi sumunod sa kanila? Sana hindi na nga ako makakuha ng 'di bababa sa dos. Sa sususnod na taon, lilipat na ako ng kurso. Dahil hindi ito ang nais ng mga magulang ko at dahil sa mga bagay na sinasabi sa akin ng mga taong nagpapaaral sa akin. 'Di ako dapat nandirito... susunod ako sa kanila. At hahayaan ko ang mga pangarap kong malamon ng mga ekspektasyon nila at ng mga pangarap nila para sa akin. Gusto kong makita ang pangalan ko sa isang pahayagan... kaya ko kinuha ang kursong 'to. Marami akong gustong sabihin na hindi ko masasabi kailanman sa kanila, o sa kung sinong tao pa. Gusto kong maintindihan ako at ang iba pang mga katulad ko. Kaunting pang-unawa lang ang gusto namin. Gusto kong maging malaya at makatulong para mapalaya ang mga boses na hindi naririnig... mga taong ganito rin ang sitwasyon. Isang papet ng mundong ginagalawan niya. Isa, dalawa, tatlo...kaninong desisyon ang susundin ko? Ang akin na nga ba? Hah!
kath (guest)
